CLICK HERE FOR BLOGGER TEMPLATES AND MYSPACE LAYOUTS »

Saturday, September 13, 2008

Isang larawan sa rebolusyon

Ang rebolusyon ay ang paghihimagsik upang magkaroon ng pagbabago sa kapangyarihan o ang kayarian ng organisasyon namumuno sa isang lugar. Maraming mga rebolusyon ang naganap sa kasaysayan ng tao na may iba’t ibang paraan at paninindigan. Ang rebolusyon sa Pilipinas ay isang halimbawa ng rebolusyon na hangad na magkaroon ng kalayaan at pagbabago sa lipunan laban sa mga banyagang mananakop gaya ng mga Kastila, Amerikano at Hapones.

Kung ako ay maging isang grupo ng mga rebolusyonaryo, ang aking itataguyod na pagbabago sa ating lipunan ay ang pagbabago sa sistema ng ating gobyerno o lipunan at ang pagbabago ng ating mga kaisipan o pananaw upang tayo ay magkaroon ng pagkakaisa. Ang ating pagkakaisa ang magiging daan upang magkaroon ng pagbabago at magtaguyod ng kaunlaran sa ating bansa. Gaya sa mga pangyayari ng ating kasaysayan, ang ating sariling gobyerno o ating mga pinuno na dapat namumuno at nagtatanggol sa kapakanan ng bawat tao ang siyang naging isang malaking dahilan sa kahirapan at kaguluhan na nagaganap sa ating lipunan. Ang kanilang kawalan ng solusyon sa iba’t ibang problema na hinaharapan ng ating bansa at ang mga katiwalian na nagaganap sa ating gobyerno ang lalong nagpapabigat sa ating problema. Ang mga naghihirap at nagdudusa sa mga kapabayaan at kabulukan ng ating lipunan na ito ay tayo, ang mga ordinaryong tao, na humahanap ng liwanag sa kadiliman ng ating lipunan.

Kung pag-uusapan ang kasaysayan ng ating pakikipaglaban upang makamit ang ating kalayaan hindi natin maipagkakait ang kahalagahan na ginawa ng ating kapwa tao na itinuturing natin bilang mga bayani. Ang kanilang sakripisyo ang nagbigay daan sa pagkakaisa ng mga tao at pagmulat sa ating pagkakabansa upang ipagtanggol ang ating kalayaan laban sa mga banyagang mananakop. Marami ang maituturing natin bilang mga bayani gaya nila Andres Bonifacio, Jose Rizal at iba pang taong binuwis ang kanilang buhay para sa kapakanan at ikabubuti ng bayan. Si Andres Bonifacio ay mayroong malaking naiambag sa pagkakabuo ng isang organisasyon na lumalaban sa pangangapi sa mga tao, ang Katipunan. Sa kanyang pamumuno sa Katipunan ay mayroong mga layunin na gustong makamit ito ang paghihiwalay ng Pilipinas sa Espanya, pagturo ng mabuting kabudhian at pagtulong sa kapwa na inaapi at naghihirap. Ang Katipunan ay itinakda ang sarili upang makamit ang tungkulin sa pagmulat ng nasyonalismo at pagsagip sa mga tao sa pangangapi ng mga banyaga, at bilang pinuno ng Katipunan ginampanan niya ang malaking responsibilidad na ito hanggang sa kanyang kamatayan.

Ngunit karapat-dapat ba ang pagkamatay ni Andres Bonifacio? Kailangan natin malaman na si Andres Bonifacio ay dinakip ng kanyang kapwa Filipino, pinagbintangang isang traydor at pinatay. Ito ay dahil sa nangyaring kombensiyong Tejeros na kung saan ang mga pinuno ng Katipunan sa dalawa nitong grupo, ang Magdalo at Magdiwang, ay nagtipon upang ipalit ang KKK ng bagong pamahalaan. Sinunod ito ng eleksiyon ng mga opisyal na kung saan si Emilio Aguinaldo ang nahalal na pangulo, ngunit wala siya sa kombensiyon, at si Bonifacio bilang kalihim ng interior. Ngunit ito hindi nagsang-ayon ang ibang miyembro ng grupo sa kanyang pagkahalal, kaya ito ay tumulak kay Bonifacio na ipagwalang-bisa ang mga naganap sa kombensiyon. Gumawa si Bonifacio at ng mga kasamahan niya ng sariling pamahalaan hiwalay sa Tejeros kaya siya dinakip at pinatay. Sa pagkamatay ni Bonifacio, si Aguinaldo ang napalagay bilang kaisaisang pinuno ng rebolusyon. Sa pagkaluklok ni Aguinaldo bilang pinuno ay nagkaroon ng pagbabago gaya ng noong sa Kasunduang Biak-na-Bato na kung saan nagkaroon ng kasunduan sa kusang pag-alis palabas ng bansa nina Aguinaldo at kanyang tauhan kapalit malaking halaga ng pera. Ito ay nagdulot ng patuloy na kaguluhan sa bansa ng mga Filipino at Kastila.

Ang isa pang bayani na may malaking kontribusyon sa pagkamulat ng mga tao sa nasyonalismo at pagkakaisa laban sa mga pag-aabuso at pangangapi ng mga banyagang mananakop, si Jose Rizal. Ngunit si Rizal ba ay laban sa o taguyod sa rebolusyon? Hindi tinataguyod ni Rizal ang isang rebolusyon ang tinataguyod niya ay reporma sa mga namamahala dito sa bansa. Ang reporma ay may hangad na maipakita ang kasamaan ng pananakop ng mga Kastila upang malaman ng lupaing prinsipal, ang bansang Espanya, gamit ang propaganda sa pagsiwalat ng mga pag-aabuso na nangyayari sa Pilipinas. Naniniwala ang mga repormista, kabilang na si Rizal, na ang bansa ay mas magiging maunlad kung ang bansa ay maging part eng Espanya bilang probinsya nito. Gusto nila na magkaroon ng assimilisasyon ng bansa sa isang mapayapang paraan. Sa Espanya ay nagbuo ng isang grupo na tinatawag na La Solidaridad at ito ang naging paraan upang lumaganap ang propaganda sa Espanya. Sa Pilipinas ay nagbuo ng isa pang grupo na tinatawag na La Liga Filipina na ang layunin ay ang pagkakaisa ng mga tao sa reporma, dahil dito ay dinakip si Rizal at ipinatapon sa Dapitan. Ngunit hindi naging matagumpay ang reporma dahil ang bansang Espanya ay mas binigyan pansin ang sariling problema kaysa sa sinasabing kaguluhan sa Pilipinas, ang kapangyarihan ng mga pari sa gobyerno, kakulangan ng pondo at ang kawalan ng pagkakaisa ng mga grupo dahil sa mga pansariling interes. Ang kabiguan naman ng reporma ay nagdulot ng pagkakabuo ng rebolusyonaryong Katipunan kaya hindi masasabing sa kabuuan na ito ay hindi nagtagumpay.

1 comments:

Tiradauno said...

Gusto mo ba ng online work?
Earn while you enjoy time with your Family & Lovedones!
Email me: tirada_uno_23@yahoo.com / tiradauno@gmail.com / n.helphelphelp@gmail.com
For more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/